churlaloo

Pader

on December 14, 2011

(Isinulat ko para sa maikling kwentong kailangan isumite para sa MP10 lagpas isang taon na ang nakakalipas. Hindi pwedeng tawanan, minadali ko iyan. Haha!)

Pader

Laging sumisigaw si Itay. Hindi ko nga alam kung marunong siyang magsalita nang hindi malakas ang boses niya e. At madalas, ako ang sinisigawan niya.

Ako si Christopher, pero mas kilala ako ng mga kapitbahay namin bilang Boyet. Hindi ko masasabi na kapitbahay dahil hindi ko alam kung bahay nga bang maituturing ang bahay namin dito sa ilalim ng tulay. Pero bahay pa rin yun kasi bahay ang tawag sa lugar kung saan kayo nakatira. E dito kami nakatira. Edi bahay namin ito.

Araw-araw akong napapagalitan ni Itay. Kung minsan may latay, kung minsan wala, depende kung gaano kalaki ang kasalanan ko. Kung muntik na kami mahabol nung kinupitan namin, sigurado kinabukasan masakit ang buong katawan ko. Oo, snatcher kami ni Itay. Tinuruan niya ako simula nung, ay, hindi ko na maalala. Sa simula sa bahay lang kami nagpapraktis at kinukuha ko ang wallet niya. Nung parang magaling na ako, sumama na ako kay Itay mangupit o kaya minsan kahit ako na lang mag-isa. Kaso kadalasan kapag ako lang mag-isa, hindi ko magawang mangupit. Ang hirap naman kasi mangupit, kailangan mabilis tumakbo. Kailangan magaling ka maghanap ng biktima, o tulad ng sinasabi ni Itay, ng mga kalaro. Sabi ni Itay parang laro lang daw itong trabaho namin. Kapag hindi kami napansin, o kaya hindi nahabol, edi panalo kami. Simple lang! Parang taguan na kailangan makarating sa base na hindi nakikita ng taya. Nakakakaba bawat laro pero masaya talaga kapag nananalo. Kung swerte ako, mayaman yung nasasnatchan ko at marami akong perang nakukuha. Pinambibili ko ng ice candy kina Aling Tessie pero halos lahat ibinibigay ko kay Inay. Ayoko ibigay kay Itay kahit magagalit siya kasi sigurado ipambibili niya lang yun ng gin at iinom kasama nina Ninong. Hirap na hirap na nga mag-alaga si Inay sa apat ko pang kapatid tapos nagpapakalasing lang si Itay.

Isang araw, napagalitan ako ni Itay. Muntik na kasi akong mahabol nung lalaking dinukutan ko. Binilang ko pa kasi yung laman nung wallet niya. Ang kapal kasi pakiramdam ko tuloy nakajackpot ako sa Wowowee kaso puro resibo lang pala.

“Bakit ba ang tanga-tanga mo kanina ha? E kung nahuli na tayo nun? Buti na lang bata ka pa at mabilis tumakbo. Pero ang hina talaga ng kokote mo. Sa susunod kapag pumalpak ka pa makakatikim ka ng dos por dos,” galit na sinabi ni Itay.

Wala naman akong masabi. Sigurado kapag sumagot ako, papadapain ako at papaluin pagdating sa bahay. Kaya nung hindi umuwi si Itay at dumiretso kina Ninong, hindi rin ako umuwi at dumiretso naman ako sa mga kaibigan ko. Naalala ko pa nung araw na yun naglaro kami ng teks ni Jomar at Bong. Dahil mas bata pa kami sa mga kuya doon, medyo inaasar nila kami pero okey lang naman, basta patambayin nila kami. Pero paborito nila ako kasi ako gumagawa nung mga drowing nila sa pader. Mga tao tapos minsan kamay na nakaturo yung gitnang daliri. Hindi ko alam ano ibig sabihin nun pero basta masaya ako kapag nagagandahan sila sa mga gawa ko. Pakiramdam ko nanalo ako sa lotto nang ilang beses kahit di ko pa nararanasan manalo sa lotto. Edi kung nanalo na ako sa lotto edi hindi na ako magnanakaw at hindi na rin kami titira sa ilalim ng tulay. Syempre sa mansyon na kami titira at makakabili na ako ng ice candy araw-araw.

Nadiskubre ko na magaling pala ako magpinta noong may namigay ng school supplies dito sa amin na mga bata. Aanhin ko naman yun, hindi naman ako pumapasok sa eskwelahan. Tinuruan lang ako ni Inay bumasa at sumulat kaya okey nay un. Mabubuhay na ako nun. May mga lapis, krayola, papel at kung anu-ano pa. Sinubukan ko gumuhit at magkulay at sabi ni Inay napakahusay ko daw. Simula nun, dinodrowing ko na si Inay, si Junior, pati sina Jomar at Bong. Pero syempre naubos din yung pangdrowing. Kaya naman lumapit ako kina kuya sa tambayan.

“Kuya, magaling ako magdrowing. Baka naman pwedeng pahiramin niyo ako niyang pintura tapos magdrowing din ako sa pader?,” tanong k okay Kuya Gerard na isang napakalaking tao.

“E sino ka ba? Ang tapang mo rin kausapin kami no. Nakikitambay na nga lang kayo nung mga kumag mong kaibigan ngayon gusto mo pa sumama samin? Ano ka, astig?,” nakakatakot na sagot ni Kuya Gerard kaya naman napaatras ako sa takot. Naisip ko na tatanggihan nila ako kaya dinala ko yung mga ginawa ko dati para ipakita.

“Eto Kuya o. Eto yung mga drowing ko. Di ba maganda naman? Kaya sige na isali niyo na ako dyan sa pagpipintura niyo ng pader,” parang binebenta ko ang sarili ko ng sabihin ko ‘to. Bilhin niyo na ako!

“Aba, magaling nga siya Gerard. E kung patusin na natin ‘tong batang ‘to?”, sabi ni Kuya  Jimuel kaya naman napangiti ako. Naramdaman ko na makakapagpinta rin ako sa pader. Sa wakas!

At ayun na nga, isinama na nila ako magpinta ng mga pader. Syempre bawal yun kaya kailangan magpinta kapag walang makakakita o manghuhuli. Binigyan na nga nila ako nung pampintura, isprey paint daw ang tawag dun. Kaya kahit di ko sila kasama, nagdodrowing ako kasama sina Bong at Jomar sa mga pader. Kaso minsan may nakahuli sa aking mama. Hindi naman pulis pero kinausap ako.

“Ikaw ba ang nagpinta ng mga iyan iho?”, tanong niya sa akin nang makita niya ang pininta kong dragon na nakita ko sa TV ng ibang bahay.

“Opo, pati po iyong nandun sa pader na yun at sa pader sa tapat nito,” sagot ko, kinakabahan na baka isumbong ako sa MMDA.

“Iho, magaling ka a. Gusto mo sumama sakin at matuto talaga magpinta?” sabi nitong mama na hindi ko kilala na mukhang mayaman.

“A sige po,” sabi ko. Naisip ko naman, hindi ako dapat matakot sa kanya at siya pa ang dapat matakot sa akin dahil snatcher ako. Pero di ko na sinabi yun kasi baka nga matakot siya tapos hindi na niya ako turuan magdrowing nang mas maganda pa.

Dinala niya kami nina Bong at Jomar sa isang studio, studio daw ang tawag at marami ring tulad kong batang lansangan sa loob. Tulad pala talaga namin ang tinuturuan niya, si Sir Kool. Araw-araw na akong pumupunta dun. Sinabi ko kay Inay na may nagtuturo sa akin at natuwa naman siya. Kaso tinamaan na naman ako ng latay kay Itay dahil hindi na ako nakakapagtrabaho masyado. Syempre mas gusto ko na magdrowing kesa maglaro ng nakawan. Sabi ni Sir Kool masama daw iyon at dapat tumigil na ako. Sa bawat pagsunod ko kay Sir Kool, latay naman ang inaabot ko kay Itay. Kaya nagpaalam ako kay Inay na hindi muna ako uuwi at dun muna kay Sir Kool titira para makapag-aral.

“Ikaw ang pinakamahusay na estudyante ko dito, Christopher,” nakangiting pinuri ako ni Sir Kool. Christopher ang tawag niya sa akin at hindi Boyet at gusto ko ito dahil siya lang ang tumatawag sakin nito. Syempre dahil sinabi niya na napakahusay ko na, hindi na ako pumasok. Ready na ulet ako magispreypaint ng pader tulad ng dati. At dahil magaling na ako, umuwi na ako ng bahay at sumama na naman kay Itay sa mga laro namin. Magaling na ako e, bakit kailangan ko pa matuto. Walang kwenta naman yung mga dinodrowing namin dun e, mga prutas, gulay, bukid at kung anu-anong walang kwentang bagay. Buti pa yung nasa pader, nakikita ng lahat ng dumadaan. Ewan ko kina Jomar at Bong, hindi pa kasi sila magaling kaya pumapasok pa rin sila. Nung sinabi ko sa kanila na wag na sila pumasok dahil hindi naman sila gagaling pa dahil hindi sila tulad ko, nainis sila. Hindi na nila ako kinausap ulit. Bahala nga sila, basta ngayon barkada ko na sina Kuya Gerard at ako ang tagapinta ng mga pader. Natuto ako magyosi, kahit nakakaubo pala yun, sige lang.Paraastig din ako tulad nila.

Ilang buwan na rin ang nakalipas, hindi na talaga ako kinausap ni Bong at Jomar. Nakikita ko silang pumapasok sa eskwelahan ni Sir Kool. Sus, di kasi sila magaling kaya kelangan pa nila yun. Ako eto, yung nasasnatch kong pera imbis na ice candy, yosi na ang binibili ko. Syempre matanda na ako e, magoonse anyos na. Minsan nakikiinom din ako kay Itay kasama sina Ninong kapag lasing na sila at hindi nila napapansin na umiinom na ako. Ganito na ang buhay ni Boyet ngayon!

Minsan, nakita kong masayang-masaya sina Jomar at Bong kasama si Sir Kool pagkatapos ng klase. Ang saya-saya nila, kakaiba yung saya nila parang saying-saya sila matuto. Nakita ko rin yung drowing ni Jomar na hawak niya, ang ganda-ganda. Ang galing na niya, mas magaling na siya sa akin. Tapos ako, nagyoyosi ngayon at hindi na rin nakakapagpintura ng pader kasi napuno ko na lahat. Wala na akong ginagawa kundi tumambay. Hindi naman ako kinakausap nina Kuya Gerard kasi bata pa daw ako para maintindihan sila. Bigla kong gusto ulit mag-aral. Gusto ko ulit makasama sina Jomar at Bong. Gusto ko tawagin ulit akong Christopher ni Sir Kool. Gusto ko bumalik sa umayos kong buhay noon. Na kahit mahirap pa rin kami, nakakapag-aral ako, hindi lang ng drowing pati ng Math. Hindi ako nagnanakaw at hindi rin ako nagyoyosi. Sa katunayan, lagi na akong inuubo kakasigarilyo ko. Naniniwala ako na kung mag-aaral lang ulit ako, baka naman hindi na kami maghirap. O kaya manalo kami sa lotto at magkaroon ng mansyon.

Tumakbo ako at hinabol si Sir Kool, Jomar at Bong.

“Pwede bang bumalik at mag-aral ulit ako? Kahit na ang yabang ko noon, at bumalik ako sa pangungupit at ngayon ay nagyoyosi na ako. Pwede pa ba ako bumalik?” pasigaw kong tinanong si Sir Kool.

Tumakbo si Jomar at Bong palapit sa akin at inaakap ako sabay sapak sa braso ko.

“Sino ba kasing nagpaalis sa iyo? Wala naman di ba?” sabi ni Sir Kool.

“Oo nga Boyet. Ang tagal ka na naming hinihintay dun sa eskwelahan. Pasok na tayo ulit bukas ha? Sabay-sabay,” sabi ni Bong sa akin.

“Sige ba. Sorry kung umalis ako bigla ha,” sabi ko.

“Wala yun. Basta wag ka na maninigarilyo at magnanakaw ulit. Marami namang paraan para kumita. Sabi ni Sir Kool pwede daw tayong magtinda ng basahan na madali lang naman gawin. Kahit si Inay mo pwedeng gumawa ng basahan,” sabi ni Jomar.

“O sige kahit ano. Basta babalik na ako ha. Ayoko na kasi ng pader e. Nagiging kamukha ko na ata kakapintura ko dun,” patawa kong sinabi at sabay-sabay kaming umuwi nina Jomar at Bong sa mga bahay naming sa ilalim ng tulay.


Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: