churlaloo

Pagsusuri sa High Zoociety ni Virgilio Almario

on November 23, 2011

High Zoociety

ni Virgilio Almario

Masdan ang tagak sa likod ng kalabaw,

Parang birheng-birheng manang

Na di-madapuan ng langaw

Sa ibabaw ng karosa patungong simbahan;

At ang mga dekadenteng gansa sa gilid ng lawa,

Maluluma ang mga donyang nakahilata

Habang ibinibilad ang kuto at muta.

Hayun ang mga maryakaprang paawit-awit,

Parang mga binibining umiikot ang puwit,

Sa bulwagang hitik sa masalapi’t makikisig;

At ang mga burukratang unggoy

Sa tuktok ng mala-palasyong kahoy,

Pulu-pulutong kung magpulong

Kung paanong mas lalapad ang papel at tumbong.

Naghahari’t matitikas na oso’t agila,

Nagkikikil lang ng kuko’t pangil tuwing umaga

Para isakmal sa karne’t isuob na barya

Kaya tumatambok ang tiyan at bulsa.

Samantala, matatalinong kuwago’y naghihilik,

Malalaki nga ang matay’y lagi naming pikit,

Marahil, bagong paraiso ang laman ng panaginip.

Di tulad ng buwayang laging abala

Sa paghanap ng kahit butiking mabiktima,

Bundat na’y lagi pa ring nakanganga.

Pero higit na mag-ingat sa hunyango’t ahas

Na sa damuhan ay nagkalat;

Tuwing maghuhunos ng kulay at balat,

Pakay ay kay-hirap madalumat.

Isinulat ang tulang ito noong Marso 11, 1971 at nailimbag noong ding taong iyon sa koleksyon ng mga tula ni Virgilio Almario na may titulong “Doktrinang Anakpawis”. Lumihis na sa mga tulang paloob ang makata at ibinalik niya ang tula sa masa. Naglalaman ang Doktrinang Anakpawis ng mga tula para sa madla, lalo na sa mga walang tinig sa lipunan at sinubok nitong bigyan sila ng tinig gamit ang panulaan. Ang pagdedeklara marahil ng Martial Law noong 1972 at ang karahasan na gumimbal sa Pilipinas ang nagtulak kay Almario na magsulat ng mga tulang hihikayat sa mga magsasaka, manggagawa at sa sambayanang Pilipino na lumaban laban sa rehimeng Marcos. Ang Doktrinang Anakpawis ay puno ng mga mapang-anyaya at mapanghikayat ng mga tula na kumakausap sa masa, pati mga tulang nagpapakita ng paghihirap sa ating bansa at ang kitang-kitang class struggle. Mula sa isang mahirap na pamilya si Rio Alma kung kaya naman malapit ang loob niya sa mga magsasaka, manggagawa at mga mahihirap na siyang inaalayan niya ng kanyang mga akda. Noong panahong isinulat ito, isang kurakot na diktador ang namamahala sa bansa. Laganap ang pagpapatapon at pagpatay sa mga taong kumakalaban sa pamahalaang Marcos. Ang mga karapatang pangtao ay binalewala at pati ang mga pahayagan ay kontrolado ng pamahalaan. Lahat ng ito ay ganap na gumising sa mga tao, mga manunula at kay Almario na manindigan. Sa tulang ito, binatikos at tinuligsa ang mga burukrata, mga burgis at mga nasa trono na sa halip na tumulong ay nagpapalala pa ng sitwasyon o di kaya’y nagbubulag-bulagan.

Una muna nating suriin ang anyo o istruktura ng tula. Ang tula ay mayroong dalawampu’t walong taludtod at ang bilang ng mga ito sa bawat saknong ay sumusunod sa pormang “apat-tatlo-tatlo-apat-apat-tatlo-tatlo-apat”. Ang tugma nito ay “aaaa/bbb/ccc/aaaa/bbbb/ccc/bbb/cccc” at makikita na magkakatulad ang tugma sa dulo ng bawat saknong. Gumamit ang makata ng tugmang patinig, pati na rin ng dalawang klase ng tugmang katinig, ang tugmang malakas at mahina. Ipinamalas ng makata ang kagalingan nito sa pagpili ng mga salita sa paggamit ng tugma bagamat hindi istrikto at mahigpit ang mga ito at pawang tugmang karaniwan lamang. Walang tahasang sukat ang tula kung kaya maikakategorya ito bilang isang tulang may malayang taludturan. Kahit na ganito ang kaso, hindi pa rin masagwa pakinggan ang tula. Sa katunayan, napakasarap nito sa tainga dahil may daloy ang mga salita. Walang biglaang paghinto o alanganing mga salita at kung hindi bibilangin ang mga pantig na bawat taludtod, maaaring isipin na may sukat ito. Muli nating nasaksihan ang husay ni Virgilio Almario sa paggawa ng tula na kahit walang sukat ay may himig na kaiga-igaya pakinggan.

Hindi malalim ang mga salitang ginamit sa tula kaya naman madali itong intindihin. Gumamit ang makata ng mga pang-uri at masasabing isa ito sa kahinaan ng “High Zoociety”. Upang ilarawan ang mga hayop sa tula, gumamit si Rio Alma ng mga pang-uri tulad ng ‘dekadente’, ‘matitikas’ at ‘matatalino’. Ang paggamit ng pang-uri ay masasabing nagpapakita ng katamaran ng makata na mag-isip at gumamit ng mga tayutay at talinghaga. Sa kasong ito, hindi ko masasabing isang tamad na makata si Almario. Halos araw-araw ay nagsusulat siya ng mga tula na nagmumulat sa mga kababayan niya ng mga isyu ng lipunan at kung paano ito lalabanan at matibay na patunay ito na hindi siya isang pabayang manunula. Marahil gumamit siya ng mga pang-uri upang mas madaling maintindihan ang tula ng mga mambabasa at sa pamamaraang ito ay mas makakarating ang kanyang mensahe sa pinag-aalayan niya nito. Maaaring ang tulang ito ay para sa sambayanang Pilipino upang mamulat sila at magising sa mga kapararakang nangyayari sa ating lipunan at sa mga taong nagdudulot nito. Epektibo ang paggamit ng mga salitang madaling intindihin dahil madali nitong naiparating at maipararating sa mambabasa ang mga ideolohiyang itinatanghal ni Almario. Parang pabula ang tula dahil hayop ang mga tauhan na may mga katangian at kumikilos na para bang sa tao. Ang mga pabula ay karaniwang nangangaral ngunit ang tulang ito ay hindi direktang nangangaral. Pinapakita nito ang mga mali at para bang nagbababala laban sa mga hayop na ito na kumakatawan sa mga taong buktot ang mga gawi. Nagpaparinig rin ito sa mga hayop na binanggit na sumasagisag sa mga salot sa lipunan.

Pamagat pa lamang ng tula na High Zoociety ay mahihinuha na ang paksa nito. Ang titulo ay paglalaro sa mga salitang ‘High Society’, na tumutukoy sa mga taong may mataas na antas sa lipunan. Kasama dito ang mga mayayaman, mga nakakariwasa sa buhay at mga may-ari ng mga kumpanya at mga panginoong may lupa. Sila ang mga taong may pinag-aralan, maraming pera, may mga kotse, magagarang bahay, mamahaling damit at mga katulong sa bahay. Sila ang mga taong tila hindi nauubusan ng pera, mga elitista. Pero kahit sa gayon, kahit sila na ang nakasalo ng mga biyaya, para naman silang mga hayop sa zoo – magugulo, ligaw at hindi makontrol. Tulad ng zoo na puno ng mga hayop, ang high society ay puno rin ng mga hayop, mga hayop na nagbabalat-kayo bilang mga tao. Sa mas malalim na pagsusuri ng tula, mapapatunayan natin ang haka natin tungkol sa pamagat at masasabing epektibo nga ito.

Dahil tila ba isang pabula ang tulang ito, alegorya ang uri ng tayutay nito. Ang alegorya ay naglalarawan ng isang abstraktong konsepto sa pamamagitan ng kongkretong anyo o material na bagay. Ang pabula ay isang alegorya na hayop ang mga tauhan at nag-iiwan ng aral para sa mambabasa. Ating suriin ang bawat saknong ng tulang ito upang mas lalong maintindihan ang mga tayutay at talinghagang ginamit.

Sa unang saknong, inilarawan ang tagak na laging sumasakay sa likod ng kalabaw na para daw isang birheng manang na di madapuan ng langaw. Gumamit ng pagwawangki o simile ang manunula sa paggamit nito ng salitang “parang” para ihalintulad ang tagak sa isang birheng manang. Manang na daw pero birhen pa, ibig sabihin ay hindi pa ito nagagalaw, napakalinis, tulad ng tagak sa likod ng kalabaw na kahit langaw ay hindi dumadapo. Sa relasyon na ito ng tagak at kalabaw, ang kalabaw lamang ang naghihirap habang binubuhat nito ang tagak na wala namang ginagawa. Para nga daw nasa isang karosa papuntang simbahan ang tagak dahil sa kalabaw Nakatayo lamang ang tagak habang ang kalabaw ay naghihirap maglakad sa init ng araw. Wala silang ginagawa kundi tumunganga at kumain ng mga insekto habang nakasakay sa likod ng kalabaw at ang kalabaw na ang bahala sa paggalaw. Ipinapabatid nito ang mga taong mayayaman na may mga utusan na siyang gumagawa ng lahat para sa kanila. Ang kalabaw ang kanilang utusan at trabahador at ang kalabaw lamang ang magtatrabaho. Wala silang gagawin, uupo lamang, habang ang manggagawa na ang gagawa ng lahat. Tulad ng mga haciendero na hindi naman nagtatanim at ang mga magsasaka lamang ang napapagod ngunit kumikita pa rin ang mga may-ari ng lupa nang higit na mas malaki kaysa sa kanila. Ginawang simbolo ni Almario ang mga tagak na papetek-petek lamang sa likod ng mga kalabaw para sa unang halimbawa niya ng mga salot sa lipunan at mga walang pakinabang.

Sa ikalawang saknong, ipinakita naman ang mga dekadenteng mga gansa na nagbibilad lamang at nakahilata. Karaniwang simbolo ang mga gansa ng kagandahan at elegansya ng kababaihan ngunit sa pagkakataong ito ay pinuna ni Almario ang ganito at ginamit na simbolo ang mga gansa sa pamumuhay nang marangya at pagiging banidosa. Ang yumi ng gansa ay naging isang negatibong katangian dahil humihilata lamang daw ito at nagpapa-araw. Marahil ay simbolo para sa mga taong masyadong marangya kung mamuhay at wala naman ginawa kundi umupo sa pansitan. Mapapansin na binanggit na nagbibilad ng kuto at muta ang mga gansa. Kahit na napakaelegante at rikit ng mga gansa, may baho pa rin sila at hindi pa rin sila perpekto. Tulad ng mga tao sa high society, kahit mukhang perpekto sa labas, may itinatago at itinatago itong mga baho. Marahil hindi sila makatarungan sa kanilang mga manggagawa, hindi dumadaan sa tamang proseso, hindi sumusunod sa mga batas at kung anu-ano pang baho. Na akala mo’y napakaganda, hindi naman pala.

Sa ikatlong saknong, ang ibong maryakapra naman ang pinagdiskitahan ni Almario. Isang ibong umaawit ang maryakapra pero isa rin itong talinghagang nangangahulugan na “isang babaeng masagwa manamit o baduy”. Gumamit ng pagwawangki o simile upang ihalintulad ang mga maryakapra sa mga binibining umiikot ang puwit. Sinabi din dito na ang mga maryakaprang umaawit-awit ay nasa isang bulwagang masalapi’t puno ng mga makikisig. Mahihinuha na malamang sa mga babaeng bayaran o puta ang sinisimbolo ng mga maryakapra. Umaawit-awit daw ang mga ito at nagpapaikot-ikot ng puwit upang aliwin ang mga lalaki sa bulwagan na maraming pera at makikisig na tulad din ng ibon na maryakapra na nakakawili ang paghuni. Ito ang kanilang trabaho at dito sila kumukuha ng pera. Di tulad ng mga naunang saknong na ang hayop mismo ang parte ng high society, dito ay naiiba. Ang mga makikisig na masalapi ang parte ng high society at ang mga maryakapra naman ang mga taong kumakapit sa patalim para lang may makain sa araw-araw. Kung susundan ang kahulugan ng maryakapra bilang isang babaeng masagawa manamit o baduy, marahil ay may partikular na ipinapahiwatig ang makata. Kadalasan ay sinasabing baduy manamit ang mga promdi o prom-di-province. Sa ganitong paghihimay-himay, masasabi rin na ang mga probinsyano at mga probinsyana ang madalas nabibiktima ng prostitusyon at napagsasamantalahan ng mga nag-uumapaw sa pera. Dito ay kitang-kita ang bertikalisasyon ng lugar sa lipunan. Ang mga nakatataas ay kayang tapak-tapakan o gamitin ang mga nasa ibaba sapagkat mayroon lamang silang pera.

Sa ika-apat na saknong, mga burukratang unggoy naman sa tuktok ng mala-palasyong kahoy ang idinagdag ni Almario sa ating zoo. Ang unggoy ay sinasabing gahaman, mayabang at mapanlinlang. Burukratang unggoy – ipinapahiwatig ng makata na ang mga burukrata, ang ating mga pinuno ay mga gahaman, mayayabang at mapanlinlang. Ang tuktok ng mala-palasyong kahoy ay maaaring tumukoy sa mismong mala-palasyong opisina ng ating mga pulitiko. Ang mga unggoy ay mahilig umakyat ng matataas na puno, tulad din ng mga burukratang wiling-wili sa itaas ng kanilang mga opisina, sa kanilang posisyon. Pulu-pulutong daw kung magpulong ang mga unggoy at nag-uusap kung paano mas lalapad ang papel at tumbong. Buti sana kung ang pagpupulong ng mga pulitikong ito ay para sa pagtulong sa bayan para sa ikauunlad nito. Ngunit hindi. Sama-sama pa daw nagpaplano ang mga ito kung paano palalaparin ang papel at tumbong. Ibig sabihin ay nagsasama-sama pa ang mga burukratang ito sa pagpaplano kung paano makakakuha ng pogi points  sa mga nasasakupan nito. Marahil ay pagpapaayos ng mga kalsada kapag mag-eeleksyon na, pagpapagawa ng waiting shed kapag malapit na ang eleksyon, pagpapagawa ng mga basketball court  kapag nalalapit na ang eleksyon, tuwing malalapit lang ang eleksyon! Gagawin ang lahat para magmukhang mabuti at kagalang-galang at may ginagawa sa mga tao kahit wala naman, para lang maiboto silang muli at makapagkamal pa ng pera mula sa kaban ng bayan at makapagpalapad ng tumbong. Nanlalansi lamang ang mga ito tulad ng tusong matsing na iisahan ka lamang at hindi nakokontento.

Sa susunod na saknong, ang mga naghahari at matitikas na oso at agila naman ang naidagdag sa ating zoo. Sa umaga daw ay nagkikikil lamang ng kuko’t pangil para isakmal sa karne’t isuob sa barya kaya tiyan at bulsa ay tumatambok. Pinapatamaan naman dito ang mga nagnanakaw sa kaban ng bayan. Walang ginagawa at naghahanda lamang at sa kalaunan ay magnanakaw. Tulad ng mga oso at agila, bigla na lamang silang aatake nang hindi nalalaman ng biktima. Tulad sila ng mga walang hiyang mga kurakot na biglang aatake at kukunin ang nararapat na sa sambayanan. Naghahari sila at matitikas, mga pulitiko, ngunit wala silang ginagawa kundi magpatambok ng bulsa – pagnanakaw ng perang nakalaan para sa kanyang mga kababayan.

Susunod ang matatalinong kuwagong naghihilik. Ang mga kuwago ay karaniwang nakaugnay sa talino at madalas ay mabuti sa mga kwento. Ngunit dito, pati ang kuwago ay napasama sa problema ng lipunan. Kahit na kuwago siya ay naghihilik ito, ibig sabihin ay tulog. Malalaki daw ang mata ngunit lagi namang nakapikit na marahil ay bagong paraiso lamang ang panaginip. Kung susundan ang lohika ng saknong na ito, mawawari na tumutukoy ito sa mga matatalinong nakapag-aral ngunit wala namang interes sa pag-unlad ng Pilipinas. Mga biniyayaan ngunit apatetiko at mapagwalang bahala sa hinaharap ng bansa. Sabi pa ay bagong paraiso ang laman ng panaginip. Sa ganito, tinutukoy marahil ang mga propesyunal na nangingibang-bansa para kumita nang mas malaki. Isang malaking problema ito ng Pilipinas dahil nauubos ang mga may pinag-aralan sa bansa natin at bagkus ay nagsisipagliparan sa iba’t ibang bansa upang magtrabaho. Laganap talaga ang brain drain kaya imbis na sa Pilipinas naiaalay ang napag-aralan para sa pag-unlad nito, sa ibang bansa pa natin ibinibigay an gating serbisyo at tinutulungan pa natin sila umunlad. Hindi sapat ang katalinuhan. Dapat bukas din ang ating mga mata upang makita natin ang mga problemang kinakaharap ng ating bayan. Dapat ay nagtutulungan tayo upang sabay-sabay tayong makaahon at maging paraiso din ang Pilipinas.

Sa ikalawang saknong mula sa dulo, buwayang laging abala naman ang isinama sa high zoociety. Lagi pa ring nakanganga ang buwaya kahit bundat na, pagpapakita ng pagiging bakaw at gahaman nito. Busog na ay naghihintay pa rin kahit ng maliit na butiking mabibiktima. Kay liit na nga ng butiki ay papatulan pa rin nito at kakainin kahit busog na. Ganyan kabakaw ang buwaya. Sa ating bansa, nakakabit na ang salitang buwaya sa mga pulis. Pati mga maliliit na motorista ay hindi papalampasin. Walang makakalagpas sa paghingi niya ng lagay o kotong. Marami na ngang nakuhang pera, kukuha pa rin nang kukuha, hindi tumitigil, malaki man o maliit. Hindi lang sa mga pulis. Kahit mga pulitiko na nagpapasuhol ay mga buwaya rin. Mga sakim na taong kailangan nasa kanila ang lahat – sila ang mga buwaya.

Sa huling saknong, na kadalasang nagdadala ng mensahe ng manunula, ang hunyango at ahas ang tinalakay. Nagkalat daw ang mga ito sa damuhan kung kaya naman hindi mo alam ay baka nariyan na. Baka naglalakad ka sa damuhan pero hindi mo mapapansin na may mga hunyango at ahas. Sila ang mga taong hindi mo alam kung mabuti ba o masama. Tuwing maghuhunos ng kulay at balat, mahirap isipin kung ano ba talaga ang pakay. Sa mga taong ito daw dapat higit na mag-ingat, ayon kay Almario. Dahil hindi mo na lang alam, kakagatin ka na pala nila. Sila ang pinakadelikado dahil hindi mo alam na masama sila. Baka sa labas ay mabuti sila pero may nakatago silang adhikain na lalabas lamang kapag nagpalit na sila ng kulay o balat. At dahil kakalat-kalat lamang sila kung saan, mahirap silang mahanap kung kaya dapat mag-ingat. Totoo nga naman, mainam na alam mo kung ano ang nandoon at maaaring umatake sa iyo nang makapaghanda ka kaysa aatakihin ka sa oras na hindi mo inaasahan. Sabi nga nila, nakakatakot ang hindi mo alam. Iyan ang hunyango at ahas, ang pinakanakakatakot sa high zoociety.

            Ang persona ay isang taong nakakasaksi sa mga salot na ito na lipunan na gusto imulat ang mga mata ng ibang tao tungkol dito. Hindi tahasang nangaral ang tula ngunit nagbababala ito na mag-ingat sa mga hayop na ito na nasa katawan ng mga taong iniluklok natin sa pwesto o kaya’y namamahala sa atin. Maaaring ang makata ang persona pero kahit sino naman ito na may galit sa mga nabanggit na mga pangyayari. Sa dulo ay parang nagbabanta ang tono ng tula, para bang may darating na delubyo at inihahanda na niya ang mambabasa.

            Para sa akin, mahusay ang tula. Bakit ko naman ito pipiliin kung hindi, ‘di ba? Kitang-kita ang imahe nito sa bawat saknong at sa kabuuuan. Sa pagbabasa pa lamang nito ay nakaramdam na ako ng galit para sa mga taong-hayop na tinukoy at inilarawan. Kung kaya’t masasabi ko na makabuluhan ang tula dahil ako mismo ay naitulak nito na mainis at magalit at lumaban sa mga hayop na ito. Naabot ng tula ang aking diwang makabayan at dugong matapang at napaisip kung paano pa kaya nakakatulog ang mga taong iyan. Paano nakakayanan ng kaluluwa nila? Hindi ko talaga lubos maisip kung paano nakakapagnakaw ang mga pulitiko ng limpak-limpak na salapi samantalang napakaraming batang hindi nakakakain araw-araw. Hindi ko man masisi ang mga babaeng bayaran sa kanilang ginagawa at ang mga OFW na naghahangad lamang ng masaganang buhay para sa kanilang mga pamilya, sana ay dumating ang panahon na hindi na natin poproblemahin ang mga ito. Bilang isang iskolar simula noong hayskul, nakaukit na sa utak at puso ko na serbisyo sa ating bansa ang tanging paraan upang makapagbayad ako sa mga kababayang nagpapaaral sa akin. Kaya kung ako ang tatanungin, tunay na mahusay ang tula sapagkat kahit naisulat noong dekada sitenta, akma pa rin ang mensahe nito para sa makabagong panahon. Tunay na naiparating ni Virgilio Almario ang kanyang mensahe sa mga mambabasa noon hanggang sa mga mambabasa ngayon at sana pati sa mga mambabasa sa hinaharap.


5 responses to “Pagsusuri sa High Zoociety ni Virgilio Almario

  1. g2liz says:

    wala na hoh bang ibang tula si virgilio S. alamario?

    • whoopeeyoo says:

      Nako, sobrang daming tula ni Virgilio Almario. Ilang antolohiya na ba niya ang naimprenta. Sobrang dami talaga. Ito lang ang napili ko para sa proyekto ko sa isang kurso.

  2. Lee Chin-hae says:

    TAMA SOBRANG DAMI NGA EH

  3. pwede po bang mabasa ung “klas piktyur” ni Virgilio Almario??

  4. aira joy capili says:

    saan po maaring makakita ng libro ni rio alma na may pamgat na doktrinang anakpawis. slamat po:)

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: