Sa Kainang Ito
ni churlaloo
Limang taon lamang ako
Noong una akong nakatapak
Sa kainang ito.
Kasama si Itay.
Kasi ang kainang ito ay katabi
Ng opisina ni Itay.
Simula’t sapul
Ninais ko
Na laging sumama kay Itay.
Tuwing wala akong pasok
Pinipilit ko siya na isama ako
Sa kanyang trabaho
Para makakain
Sa kainang ito.
Hinahatid pa nga ako
Ng mga gwardya ng opisina ni Itay
Sa kainang ito.
Baka daw kasi masagasaan ako.
Ngayon
Siyam na taon pagkatapos
Noong una kong pagtapak
Sa kainang ito.
Kumakain ako
Nalulungkot
‘Pagkat ito na marahil
Ang huli kong pagkain
Sa kainang ito
‘Pagkat kinabukasan
Si Itay
Ay lilipat na ng opisina.
Sa kanyang bagong opisina
Mayroon ding mga kainan
Ngunit wala ni isa sa mga kainan doon
Ang katulad ng kainang ito
Wala ni isa ang nakasaksi sa paglaki ko
Maliban lamang
Sa kainang ito.
Mag-iwan ng Tugon