churlaloo

MacArthur ni Bob Ong

on December 23, 2010

Kakabasa ko lang kanina ng MacArthur ni Bob Ong. O dapat ko bang sabihin na mga manunulat sa ilalim ng pangalan na Bob Ong? Pero saka na natin kuwestiyunin ang katauhan (o mga katauhan) ni Bob Ong. Pag-usapan na lang natin ‘yung libro.

Natawa ba ako sa libro? Minsan. May mga parte na talaga nga namang nakakatawa yung sinasabi ng mga tauhan o basta nakakatawa lang yung mga nangyayari. Natuwa ba ako? Hindi. Kasi hindi naman comedy yung binasa ko. Akala ko, dahil na si Bob Ong ang nagsulat, nakakatuwa at nakakatawa ang mababasa ko. Ang nababasa ko pa lang kasi niyang libro ay yung Bakit Baliktad Magbasa ng Libro ang mga Pilipino?, Ang Paboritong Libro ni Hudas at ABNKKBSNPLAko?. Lahat iyon ay nakakatawa at masayang-masaya ako pagkatapos kong magbasa. Parang nakakagaan ng pakiramdam. E etong MacArthur? Nakagaan ba ng pakiramdam? O lalong nakabigat? Ang sagot ko: wala akong naramdaman.

Hindi ko nga binigyan ng panahon sa utak ko iyong mga karakter pagkatapos ko sila makilala. Hindi ko sila inimagine, ano kaya itsura nila, ano na nangyari sa kanila. Hindi ako nabagabag ng binasa ko kahit na puro kahirapan at kabuktutan ang pinakita ng nobelang ito. Hindi ko alam pero hindi relatable para sa akin yung apat na magkakaibigan. Oo, hindi ako humihithit ng jutes pero tao rin naman ako kaya kung tao rin sila, dapat naiintindihan ko sila, kahit konti. Dapat naaawa ako sa kanila at dapat may puwang na sila sa puso ko pagkakilala ko sa kanila. Naawa naman ako pero halos wala din eh. Pagkatapos ko magbasa, humagilap lang ako ng susunod na babasahin. Ano ibig sabihin nito? Di tulad nung Para Kay B, hanggang ngayon kinikilig ako sa alterna-ending ni Irene at Jordan, halos naiiyak ako para kay Jake at naiinis pa rin kay Bessie.

Siguro hindi ganoon kaganda ang pagkakagawa ng mga tauhan, hindi ko sila ma-imagine. Hindi ko sila makita, hindi ko mahawakan. Ilang beses akong nalito kay Noel at kay Cyrus. At bakit parang hindi masyadong binigyang pansin si Jim? Ano na ang nangyari sa kanya? Si Cyrus? Ganun na lang ba yun? Pakiramdam ko bigla na lang tinapos yung kwento. O baka naman may hindi ako nababasang subtext. Talaga? Ako ba ang nagkulang?

Siguro nadisappoint lang ako kasi inaasahan ko na matatawa talaga ako. Pero seryoso yung tono ng libro eh. Haaaay. Nakakadepress pa yung ending. Ayoko sa lahat yung may namamatay na matanda o kaya bata.

Yung libro, sa palagay ko, parang nagpupumilit na maging seryoso. Parang gusto magpakamalalim/seryoso ni Bob Ong bigla tapos naisip niyang hindi magpatawa kaya hindi ko alam kung boses ba talaga ni Bob Ong yung nababasa ko. O baka naman nagbago na kasi ng estilo si Bob Ong. Huli lang ako sa balita. (Apparently, ganun nga ang istorya. Hindi na siya ganun nagpapatawa, hindi ko lang alam. I’m sorry kaya naman ganito ang review ko.)

Siguro kaya ganito dahil matagal ko nang alam ang mga kwentong ganito sa bansa natin. Mga corrupt at masasamang pulis, politicians, lahat na. Mga humihithit ng jutes, nagrurugby na bata. Taga-deliver ng shabu. Hindi eye-opener yung libro. Siguro kung noong 2007 ko pa ito nabasa, baka oo. Ay hindi rin pala.

May pimple ako sa kilay ko. Ay hindi ba iyon yung topic? Okay, sorry, naliligaw ako. Ang sakit kasi eh. Nahagip ko.

Dapat ba itong basahin? Siguro oo, para suportahan ang mga Pilipinong manunulat. Pero kung susuportahan mo na lang rin naman ang literaturang Pinoy, bumili ka na rin ng mga libro ni Virgilio Almario, Rogelio Sicat at kung sinu-sino pa. Hindi yung puro si Bob Ong lang.

Pero kung ako lang, siguro dahil sa wiling-wili ako sa Para Kay B, hindi ako ganun natuwa sa MacArthur. Oo, may quotable quotes ulit pero hindi ko talaga alam, hindi ko mairecommend nang bonggang bongga ang librong ito. Sorry, pero ganun talaga. Bahala na kayo husgahan ang librong ito. At syempre para mahusgahan niyo, basahin niyo kaya no.

“Dalawang dekada ka lang mag-aaral. Kung di mo pagtitiyagaan, anak, limang dekada ng kahirapan ang kapalit.”

“Mga bata pa kayo. Pag pinaniwalaan namin kayong hindi kayo naglaro ng tubig kahit na basang-basa ang mga damit ninyo, kayo ang niloloko namin. Hindi kayo ang nakapanloloko.”


Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: