churlaloo

2011 in review

The WordPress.com stats helper monkeys prepared a 2011 annual report for this blog.

Here’s an excerpt:

A New York City subway train holds 1,200 people. This blog was viewed about 4,300 times in 2011. If it were a NYC subway train, it would take about 4 trips to carry that many people.

Click here to see the complete report.

Leave a comment »

Pagbati sa Pagsinta ni Joi Barrios

Pagbati sa Pagsinta
Joi Barrios

Nakatindig akong babatiin ang pagsinta.
Hindi nakahimlay at nahihimbing
na kailangang gisingin ng halik,
hindi nakaupo’t naghihintay
na para bang ang kanyang pagdating
ang kabuuan ng buhay,
hindi nakatingkayad o lumilipad
na nakikipaglaro sa hangin at pangarap.
Nakatayo ako’t sumasayad
ang paa sa lupa,
pagkat lagi’t lagi,
nakayapak ako kung umibig.

Mabuhay ang kababaihan! Mabuhay ang mga peministang makata! :)

Ang ganda lang ng tulang ito, iyon lang. Hindi ko na kailangan ipaliwanag pa. Madalas naman na buhat ng sariling paniniwala at sariling mga karanasan ang pagkahumaling sa isang tula, o kahit anumang likha. Ang isip ang nagpapasya kung maganda ba ang tula – may porma, may daloy, may lalim – pero ang puso pa din ang nagpapasya kung lalagpas ba sa ganda ang tula at tatagos sa puso, sa diwa, sa kalamnan ng nagbabasa.

Leave a comment »

Pader

(Isinulat ko para sa maikling kwentong kailangan isumite para sa MP10 lagpas isang taon na ang nakakalipas. Hindi pwedeng tawanan, minadali ko iyan. Haha!)

Pader

Laging sumisigaw si Itay. Hindi ko nga alam kung marunong siyang magsalita nang hindi malakas ang boses niya e. At madalas, ako ang sinisigawan niya.

Ako si Christopher, pero mas kilala ako ng mga kapitbahay namin bilang Boyet. Hindi ko masasabi na kapitbahay dahil hindi ko alam kung bahay nga bang maituturing ang bahay namin dito sa ilalim ng tulay. Pero bahay pa rin yun kasi bahay ang tawag sa lugar kung saan kayo nakatira. E dito kami nakatira. Edi bahay namin ito.

Araw-araw akong napapagalitan ni Itay. Kung minsan may latay, kung minsan wala, depende kung gaano kalaki ang kasalanan ko. Kung muntik na kami mahabol nung kinupitan namin, sigurado kinabukasan masakit ang buong katawan ko. Oo, snatcher kami ni Itay. Tinuruan niya ako simula nung, ay, hindi ko na maalala. Sa simula sa bahay lang kami nagpapraktis at kinukuha ko ang wallet niya. Nung parang magaling na ako, sumama na ako kay Itay mangupit o kaya minsan kahit ako na lang mag-isa. Kaso kadalasan kapag ako lang mag-isa, hindi ko magawang mangupit. Ang hirap naman kasi mangupit, kailangan mabilis tumakbo. Kailangan magaling ka maghanap ng biktima, o tulad ng sinasabi ni Itay, ng mga kalaro. Sabi ni Itay parang laro lang daw itong trabaho namin. Kapag hindi kami napansin, o kaya hindi nahabol, edi panalo kami. Simple lang! Parang taguan na kailangan makarating sa base na hindi nakikita ng taya. Nakakakaba bawat laro pero masaya talaga kapag nananalo. Kung swerte ako, mayaman yung nasasnatchan ko at marami akong perang nakukuha. Pinambibili ko ng ice candy kina Aling Tessie pero halos lahat ibinibigay ko kay Inay. Ayoko ibigay kay Itay kahit magagalit siya kasi sigurado ipambibili niya lang yun ng gin at iinom kasama nina Ninong. Hirap na hirap na nga mag-alaga si Inay sa apat ko pang kapatid tapos nagpapakalasing lang si Itay.

Isang araw, napagalitan ako ni Itay. Muntik na kasi akong mahabol nung lalaking dinukutan ko. Binilang ko pa kasi yung laman nung wallet niya. Ang kapal kasi pakiramdam ko tuloy nakajackpot ako sa Wowowee kaso puro resibo lang pala.

“Bakit ba ang tanga-tanga mo kanina ha? E kung nahuli na tayo nun? Buti na lang bata ka pa at mabilis tumakbo. Pero ang hina talaga ng kokote mo. Sa susunod kapag pumalpak ka pa makakatikim ka ng dos por dos,” galit na sinabi ni Itay.

Wala naman akong masabi. Sigurado kapag sumagot ako, papadapain ako at papaluin pagdating sa bahay. Kaya nung hindi umuwi si Itay at dumiretso kina Ninong, hindi rin ako umuwi at dumiretso naman ako sa mga kaibigan ko. Naalala ko pa nung araw na yun naglaro kami ng teks ni Jomar at Bong. Dahil mas bata pa kami sa mga kuya doon, medyo inaasar nila kami pero okey lang naman, basta patambayin nila kami. Pero paborito nila ako kasi ako gumagawa nung mga drowing nila sa pader. Mga tao tapos minsan kamay na nakaturo yung gitnang daliri. Hindi ko alam ano ibig sabihin nun pero basta masaya ako kapag nagagandahan sila sa mga gawa ko. Pakiramdam ko nanalo ako sa lotto nang ilang beses kahit di ko pa nararanasan manalo sa lotto. Edi kung nanalo na ako sa lotto edi hindi na ako magnanakaw at hindi na rin kami titira sa ilalim ng tulay. Syempre sa mansyon na kami titira at makakabili na ako ng ice candy araw-araw.

Nadiskubre ko na magaling pala ako magpinta noong may namigay ng school supplies dito sa amin na mga bata. Aanhin ko naman yun, hindi naman ako pumapasok sa eskwelahan. Tinuruan lang ako ni Inay bumasa at sumulat kaya okey nay un. Mabubuhay na ako nun. May mga lapis, krayola, papel at kung anu-ano pa. Sinubukan ko gumuhit at magkulay at sabi ni Inay napakahusay ko daw. Simula nun, dinodrowing ko na si Inay, si Junior, pati sina Jomar at Bong. Pero syempre naubos din yung pangdrowing. Kaya naman lumapit ako kina kuya sa tambayan.

“Kuya, magaling ako magdrowing. Baka naman pwedeng pahiramin niyo ako niyang pintura tapos magdrowing din ako sa pader?,” tanong k okay Kuya Gerard na isang napakalaking tao.

“E sino ka ba? Ang tapang mo rin kausapin kami no. Nakikitambay na nga lang kayo nung mga kumag mong kaibigan ngayon gusto mo pa sumama samin? Ano ka, astig?,” nakakatakot na sagot ni Kuya Gerard kaya naman napaatras ako sa takot. Naisip ko na tatanggihan nila ako kaya dinala ko yung mga ginawa ko dati para ipakita.

“Eto Kuya o. Eto yung mga drowing ko. Di ba maganda naman? Kaya sige na isali niyo na ako dyan sa pagpipintura niyo ng pader,” parang binebenta ko ang sarili ko ng sabihin ko ‘to. Bilhin niyo na ako!

“Aba, magaling nga siya Gerard. E kung patusin na natin ‘tong batang ‘to?”, sabi ni Kuya  Jimuel kaya naman napangiti ako. Naramdaman ko na makakapagpinta rin ako sa pader. Sa wakas!

At ayun na nga, isinama na nila ako magpinta ng mga pader. Syempre bawal yun kaya kailangan magpinta kapag walang makakakita o manghuhuli. Binigyan na nga nila ako nung pampintura, isprey paint daw ang tawag dun. Kaya kahit di ko sila kasama, nagdodrowing ako kasama sina Bong at Jomar sa mga pader. Kaso minsan may nakahuli sa aking mama. Hindi naman pulis pero kinausap ako.

“Ikaw ba ang nagpinta ng mga iyan iho?”, tanong niya sa akin nang makita niya ang pininta kong dragon na nakita ko sa TV ng ibang bahay.

“Opo, pati po iyong nandun sa pader na yun at sa pader sa tapat nito,” sagot ko, kinakabahan na baka isumbong ako sa MMDA.

“Iho, magaling ka a. Gusto mo sumama sakin at matuto talaga magpinta?” sabi nitong mama na hindi ko kilala na mukhang mayaman.

“A sige po,” sabi ko. Naisip ko naman, hindi ako dapat matakot sa kanya at siya pa ang dapat matakot sa akin dahil snatcher ako. Pero di ko na sinabi yun kasi baka nga matakot siya tapos hindi na niya ako turuan magdrowing nang mas maganda pa.

Dinala niya kami nina Bong at Jomar sa isang studio, studio daw ang tawag at marami ring tulad kong batang lansangan sa loob. Tulad pala talaga namin ang tinuturuan niya, si Sir Kool. Araw-araw na akong pumupunta dun. Sinabi ko kay Inay na may nagtuturo sa akin at natuwa naman siya. Kaso tinamaan na naman ako ng latay kay Itay dahil hindi na ako nakakapagtrabaho masyado. Syempre mas gusto ko na magdrowing kesa maglaro ng nakawan. Sabi ni Sir Kool masama daw iyon at dapat tumigil na ako. Sa bawat pagsunod ko kay Sir Kool, latay naman ang inaabot ko kay Itay. Kaya nagpaalam ako kay Inay na hindi muna ako uuwi at dun muna kay Sir Kool titira para makapag-aral.

“Ikaw ang pinakamahusay na estudyante ko dito, Christopher,” nakangiting pinuri ako ni Sir Kool. Christopher ang tawag niya sa akin at hindi Boyet at gusto ko ito dahil siya lang ang tumatawag sakin nito. Syempre dahil sinabi niya na napakahusay ko na, hindi na ako pumasok. Ready na ulet ako magispreypaint ng pader tulad ng dati. At dahil magaling na ako, umuwi na ako ng bahay at sumama na naman kay Itay sa mga laro namin. Magaling na ako e, bakit kailangan ko pa matuto. Walang kwenta naman yung mga dinodrowing namin dun e, mga prutas, gulay, bukid at kung anu-anong walang kwentang bagay. Buti pa yung nasa pader, nakikita ng lahat ng dumadaan. Ewan ko kina Jomar at Bong, hindi pa kasi sila magaling kaya pumapasok pa rin sila. Nung sinabi ko sa kanila na wag na sila pumasok dahil hindi naman sila gagaling pa dahil hindi sila tulad ko, nainis sila. Hindi na nila ako kinausap ulit. Bahala nga sila, basta ngayon barkada ko na sina Kuya Gerard at ako ang tagapinta ng mga pader. Natuto ako magyosi, kahit nakakaubo pala yun, sige lang.Paraastig din ako tulad nila.

Ilang buwan na rin ang nakalipas, hindi na talaga ako kinausap ni Bong at Jomar. Nakikita ko silang pumapasok sa eskwelahan ni Sir Kool. Sus, di kasi sila magaling kaya kelangan pa nila yun. Ako eto, yung nasasnatch kong pera imbis na ice candy, yosi na ang binibili ko. Syempre matanda na ako e, magoonse anyos na. Minsan nakikiinom din ako kay Itay kasama sina Ninong kapag lasing na sila at hindi nila napapansin na umiinom na ako. Ganito na ang buhay ni Boyet ngayon!

Minsan, nakita kong masayang-masaya sina Jomar at Bong kasama si Sir Kool pagkatapos ng klase. Ang saya-saya nila, kakaiba yung saya nila parang saying-saya sila matuto. Nakita ko rin yung drowing ni Jomar na hawak niya, ang ganda-ganda. Ang galing na niya, mas magaling na siya sa akin. Tapos ako, nagyoyosi ngayon at hindi na rin nakakapagpintura ng pader kasi napuno ko na lahat. Wala na akong ginagawa kundi tumambay. Hindi naman ako kinakausap nina Kuya Gerard kasi bata pa daw ako para maintindihan sila. Bigla kong gusto ulit mag-aral. Gusto ko ulit makasama sina Jomar at Bong. Gusto ko tawagin ulit akong Christopher ni Sir Kool. Gusto ko bumalik sa umayos kong buhay noon. Na kahit mahirap pa rin kami, nakakapag-aral ako, hindi lang ng drowing pati ng Math. Hindi ako nagnanakaw at hindi rin ako nagyoyosi. Sa katunayan, lagi na akong inuubo kakasigarilyo ko. Naniniwala ako na kung mag-aaral lang ulit ako, baka naman hindi na kami maghirap. O kaya manalo kami sa lotto at magkaroon ng mansyon.

Tumakbo ako at hinabol si Sir Kool, Jomar at Bong.

“Pwede bang bumalik at mag-aral ulit ako? Kahit na ang yabang ko noon, at bumalik ako sa pangungupit at ngayon ay nagyoyosi na ako. Pwede pa ba ako bumalik?” pasigaw kong tinanong si Sir Kool.

Tumakbo si Jomar at Bong palapit sa akin at inaakap ako sabay sapak sa braso ko.

“Sino ba kasing nagpaalis sa iyo? Wala naman di ba?” sabi ni Sir Kool.

“Oo nga Boyet. Ang tagal ka na naming hinihintay dun sa eskwelahan. Pasok na tayo ulit bukas ha? Sabay-sabay,” sabi ni Bong sa akin.

“Sige ba. Sorry kung umalis ako bigla ha,” sabi ko.

“Wala yun. Basta wag ka na maninigarilyo at magnanakaw ulit. Marami namang paraan para kumita. Sabi ni Sir Kool pwede daw tayong magtinda ng basahan na madali lang naman gawin. Kahit si Inay mo pwedeng gumawa ng basahan,” sabi ni Jomar.

“O sige kahit ano. Basta babalik na ako ha. Ayoko na kasi ng pader e. Nagiging kamukha ko na ata kakapintura ko dun,” patawa kong sinabi at sabay-sabay kaming umuwi nina Jomar at Bong sa mga bahay naming sa ilalim ng tulay.

Leave a comment »

Si Pido, Ang Batang Engkantado

(Maikling Istoryang Isinulat Ko Noong Grade 6 Ako o Higit-Kumulang Anim na Taon na ang Nakalilipas Bilang Isang Proyekto sa Filipino)

Sobrang haba nito, lagpas 6000 na salita, ang sipag ko talaga noong bata ako. Kung kaya ko lang sana magsulat ulit. Libre pagtawanan ito. Haha!

Si Pido, Ang Batang Engkantado

      Si Pido ay anak ng isang ordinaryong tao at isang makapangyarihang engkantado. Ang kanyang ina ay si Cely, isang mananahi at si Bahaghari na isang engkantado. Kung paano sila nagkakilala, malalaman niyo na. Hep-hep-hep! Teka muna! Wala pa! Hintayin niyo lang. Heto na!

        “ Cely, kumuha ka nga ng panahog sa gubat,” utos ni Aling Mercy. “ Oo na!” pagdadabog ni Cely. Habang naglalakad ay natanaw siya ng isang engkantado, si Bahaghari. Sinundan ni Bahaghari si Cely. Dahil sa kagandahan ni Cely ay nabighani si Bahaghari na isang mapaglarong engkantado. Nadapa si Bahaghari. “Aray!” wika ni Bahaghari kaya napansin siya ni Cely. “ Sino ba yung nadapa?” tanong ni Cely. Nagpakilala si Bahaghari kay Cely. “ Magandang Binibini, ano ang iyong pangalan?” tanong ni Bahaghari. “ Lumayo ka sa akin,” sabi ni Cely. “Huwag kang matakot, isa akong masama este mabuting engkantado,” tugon ni Bahaghari. “ Ako si Cely,” pagpapakilala niya, “ ikaw, ano ang pangalan mo?” “Ako si Bahaghari,” tugon niya. “ Ikinagagalak kong makilala ka,” tugon ni Cely. “ Pwede bang magpatulong maghanap ng panahog?” tanong ni Cely. “ Naku, hindi mo na kailangang maghanap,” sabi ni Bahaghari. “ Tseran! Ang dali di ba?” pagmamayabang ni Bahaghari. “ Nasaan ang hinahanap ko?” wika ni Cely, “ nag-iimbento ka lang yata eh.” “ Nasaan ang sinasabi mong kapangyarihan? Pinagloloko mo lang ako eh!” dagdag pa ni Cely. “ Sandali lang ito na,” sagot ni Bahaghari. “ Tseran! Ang dali di ba?” pagmamayabang ni Bahaghari. “ Maraming salamat. Magkita na lang tayo bukas. Paalam na, wika ni Cely. “ Paalam na rin,” sagot ni Bahaghari.

Read the rest of this entry »

Leave a comment »

Valedictory Address Ko Noong Elementary Graduation Ko

Nakita ko lang sa files ko. Hindi ako ang gumawa nito, okay? Tita at nanay ko kaya wala akong alam dyan. Minemorya ko lang at sinabi sa lahat ng taong nandoon. Haha! Enjoy na lang sa pagbasa!

How time flies. It seems just yesterday when we were shy and awkward small kids who would not let our mothers leave us in school or else we would cry the whole day.

It seems just very recently when we had our first test that made us happy or sad depending on the result. Or when we had our first report cards that made our parents happy or sad depending on the grades we got.

Now, we are graduates.

But are we graduates because we wanted to be ones? And are we graduates because we tried and succeeded?

Distinguished guests, our principal, members of the faculty, beloved parents, fellow graduates, ladies and gentlemen, a pleasant afternoon to all.

The moment our parents and we have been waiting for has finally arrived. This day is just the beginning and not the end itself for we are leaving a stage in our lives and facing greater challenges – mas challenging pa tiyak sa bunjee jumping ng Extra Challenge. This celebration reminds us of yesterday’s memories. These are memories that inspire; memories that urge us to strive harder and do better. From simple abc’s and basic mathematics, we now move on to more challenging lessons in life.

Read the rest of this entry »

Leave a comment »

Ang Aking Commuting Theme Song

To the tune of Boulevard of Broken Dreams by Green Day*

I ride a lonely bus**,
the lonely bus that I have ever known
Home is where it goes,
there I want to be,
not here alone

Aah, aah, aah, aah.

Getting late at night,
sometimes even worse than frogs that fright
MG so far from me,
in my lonely bus I ride alone.

Aah, aah, aah, aah.

The bus is filled with many other people,
the driver making a lot of sipol-sipol
Sometimes amidst with all their so-called presence,
I know that I’m all ALOOOOONE.

*Pwedeng kantahin iyong original kapag naglalakad mag-isa na madalas naman.
**Pwedeng palitan ng jeep kapag applicable na madalas naman.

Sobrang BENTA talaga nito! Haha! Salamat naman kay Chuckie MWAHAHAHA. Ka-LSS.

Leave a comment »

Pagsusuri sa High Zoociety ni Virgilio Almario

High Zoociety

ni Virgilio Almario

Masdan ang tagak sa likod ng kalabaw,

Parang birheng-birheng manang

Na di-madapuan ng langaw

Sa ibabaw ng karosa patungong simbahan;

At ang mga dekadenteng gansa sa gilid ng lawa,

Maluluma ang mga donyang nakahilata

Habang ibinibilad ang kuto at muta.

Hayun ang mga maryakaprang paawit-awit,

Parang mga binibining umiikot ang puwit,

Sa bulwagang hitik sa masalapi’t makikisig;

At ang mga burukratang unggoy

Sa tuktok ng mala-palasyong kahoy,

Pulu-pulutong kung magpulong

Kung paanong mas lalapad ang papel at tumbong.

Naghahari’t matitikas na oso’t agila,

Nagkikikil lang ng kuko’t pangil tuwing umaga

Para isakmal sa karne’t isuob na barya

Kaya tumatambok ang tiyan at bulsa.

Samantala, matatalinong kuwago’y naghihilik,

Malalaki nga ang matay’y lagi naming pikit,

Marahil, bagong paraiso ang laman ng panaginip.

Di tulad ng buwayang laging abala

Sa paghanap ng kahit butiking mabiktima,

Bundat na’y lagi pa ring nakanganga.

Pero higit na mag-ingat sa hunyango’t ahas

Na sa damuhan ay nagkalat;

Tuwing maghuhunos ng kulay at balat,

Pakay ay kay-hirap madalumat.

Isinulat ang tulang ito noong Marso 11, 1971 at nailimbag noong ding taong iyon sa koleksyon ng mga tula ni Virgilio Almario na may titulong “Doktrinang Anakpawis”. Lumihis na sa mga tulang paloob ang makata at ibinalik niya ang tula sa masa. Naglalaman ang Doktrinang Anakpawis ng mga tula para sa madla, lalo na sa mga walang tinig sa lipunan at sinubok nitong bigyan sila ng tinig gamit ang panulaan. Ang pagdedeklara marahil ng Martial Law noong 1972 at ang karahasan na gumimbal sa Pilipinas ang nagtulak kay Almario na magsulat ng mga tulang hihikayat sa mga magsasaka, manggagawa at sa sambayanang Pilipino na lumaban laban sa rehimeng Marcos. Ang Doktrinang Anakpawis ay puno ng mga mapang-anyaya at mapanghikayat ng mga tula na kumakausap sa masa, pati mga tulang nagpapakita ng paghihirap sa ating bansa at ang kitang-kitang class struggle. Mula sa isang mahirap na pamilya si Rio Alma kung kaya naman malapit ang loob niya sa mga magsasaka, manggagawa at mga mahihirap na siyang inaalayan niya ng kanyang mga akda. Noong panahong isinulat ito, isang kurakot na diktador ang namamahala sa bansa. Laganap ang pagpapatapon at pagpatay sa mga taong kumakalaban sa pamahalaang Marcos. Ang mga karapatang pangtao ay binalewala at pati ang mga pahayagan ay kontrolado ng pamahalaan. Lahat ng ito ay ganap na gumising sa mga tao, mga manunula at kay Almario na manindigan. Sa tulang ito, binatikos at tinuligsa ang mga burukrata, mga burgis at mga nasa trono na sa halip na tumulong ay nagpapalala pa ng sitwasyon o di kaya’y nagbubulag-bulagan.

Una muna nating suriin ang anyo o istruktura ng tula. Ang tula ay mayroong dalawampu’t walong taludtod at ang bilang ng mga ito sa bawat saknong ay sumusunod sa pormang “apat-tatlo-tatlo-apat-apat-tatlo-tatlo-apat”. Ang tugma nito ay “aaaa/bbb/ccc/aaaa/bbbb/ccc/bbb/cccc” at makikita na magkakatulad ang tugma sa dulo ng bawat saknong. Gumamit ang makata ng tugmang patinig, pati na rin ng dalawang klase ng tugmang katinig, ang tugmang malakas at mahina. Ipinamalas ng makata ang kagalingan nito sa pagpili ng mga salita sa paggamit ng tugma bagamat hindi istrikto at mahigpit ang mga ito at pawang tugmang karaniwan lamang. Walang tahasang sukat ang tula kung kaya maikakategorya ito bilang isang tulang may malayang taludturan. Kahit na ganito ang kaso, hindi pa rin masagwa pakinggan ang tula. Sa katunayan, napakasarap nito sa tainga dahil may daloy ang mga salita. Walang biglaang paghinto o alanganing mga salita at kung hindi bibilangin ang mga pantig na bawat taludtod, maaaring isipin na may sukat ito. Muli nating nasaksihan ang husay ni Virgilio Almario sa paggawa ng tula na kahit walang sukat ay may himig na kaiga-igaya pakinggan.

Hindi malalim ang mga salitang ginamit sa tula kaya naman madali itong intindihin. Gumamit ang makata ng mga pang-uri at masasabing isa ito sa kahinaan ng “High Zoociety”. Upang ilarawan ang mga hayop sa tula, gumamit si Rio Alma ng mga pang-uri tulad ng ‘dekadente’, ‘matitikas’ at ‘matatalino’. Ang paggamit ng pang-uri ay masasabing nagpapakita ng katamaran ng makata na mag-isip at gumamit ng mga tayutay at talinghaga. Sa kasong ito, hindi ko masasabing isang tamad na makata si Almario. Halos araw-araw ay nagsusulat siya ng mga tula na nagmumulat sa mga kababayan niya ng mga isyu ng lipunan at kung paano ito lalabanan at matibay na patunay ito na hindi siya isang pabayang manunula. Marahil gumamit siya ng mga pang-uri upang mas madaling maintindihan ang tula ng mga mambabasa at sa pamamaraang ito ay mas makakarating ang kanyang mensahe sa pinag-aalayan niya nito. Maaaring ang tulang ito ay para sa sambayanang Pilipino upang mamulat sila at magising sa mga kapararakang nangyayari sa ating lipunan at sa mga taong nagdudulot nito. Epektibo ang paggamit ng mga salitang madaling intindihin dahil madali nitong naiparating at maipararating sa mambabasa ang mga ideolohiyang itinatanghal ni Almario. Parang pabula ang tula dahil hayop ang mga tauhan na may mga katangian at kumikilos na para bang sa tao. Ang mga pabula ay karaniwang nangangaral ngunit ang tulang ito ay hindi direktang nangangaral. Pinapakita nito ang mga mali at para bang nagbababala laban sa mga hayop na ito na kumakatawan sa mga taong buktot ang mga gawi. Nagpaparinig rin ito sa mga hayop na binanggit na sumasagisag sa mga salot sa lipunan.

Pamagat pa lamang ng tula na High Zoociety ay mahihinuha na ang paksa nito. Ang titulo ay paglalaro sa mga salitang ‘High Society’, na tumutukoy sa mga taong may mataas na antas sa lipunan. Kasama dito ang mga mayayaman, mga nakakariwasa sa buhay at mga may-ari ng mga kumpanya at mga panginoong may lupa. Sila ang mga taong may pinag-aralan, maraming pera, may mga kotse, magagarang bahay, mamahaling damit at mga katulong sa bahay. Sila ang mga taong tila hindi nauubusan ng pera, mga elitista. Pero kahit sa gayon, kahit sila na ang nakasalo ng mga biyaya, para naman silang mga hayop sa zoo – magugulo, ligaw at hindi makontrol. Tulad ng zoo na puno ng mga hayop, ang high society ay puno rin ng mga hayop, mga hayop na nagbabalat-kayo bilang mga tao. Sa mas malalim na pagsusuri ng tula, mapapatunayan natin ang haka natin tungkol sa pamagat at masasabing epektibo nga ito.

Dahil tila ba isang pabula ang tulang ito, alegorya ang uri ng tayutay nito. Ang alegorya ay naglalarawan ng isang abstraktong konsepto sa pamamagitan ng kongkretong anyo o material na bagay. Ang pabula ay isang alegorya na hayop ang mga tauhan at nag-iiwan ng aral para sa mambabasa. Ating suriin ang bawat saknong ng tulang ito upang mas lalong maintindihan ang mga tayutay at talinghagang ginamit.

Sa unang saknong, inilarawan ang tagak na laging sumasakay sa likod ng kalabaw na para daw isang birheng manang na di madapuan ng langaw. Gumamit ng pagwawangki o simile ang manunula sa paggamit nito ng salitang “parang” para ihalintulad ang tagak sa isang birheng manang. Manang na daw pero birhen pa, ibig sabihin ay hindi pa ito nagagalaw, napakalinis, tulad ng tagak sa likod ng kalabaw na kahit langaw ay hindi dumadapo. Sa relasyon na ito ng tagak at kalabaw, ang kalabaw lamang ang naghihirap habang binubuhat nito ang tagak na wala namang ginagawa. Para nga daw nasa isang karosa papuntang simbahan ang tagak dahil sa kalabaw Nakatayo lamang ang tagak habang ang kalabaw ay naghihirap maglakad sa init ng araw. Wala silang ginagawa kundi tumunganga at kumain ng mga insekto habang nakasakay sa likod ng kalabaw at ang kalabaw na ang bahala sa paggalaw. Ipinapabatid nito ang mga taong mayayaman na may mga utusan na siyang gumagawa ng lahat para sa kanila. Ang kalabaw ang kanilang utusan at trabahador at ang kalabaw lamang ang magtatrabaho. Wala silang gagawin, uupo lamang, habang ang manggagawa na ang gagawa ng lahat. Tulad ng mga haciendero na hindi naman nagtatanim at ang mga magsasaka lamang ang napapagod ngunit kumikita pa rin ang mga may-ari ng lupa nang higit na mas malaki kaysa sa kanila. Ginawang simbolo ni Almario ang mga tagak na papetek-petek lamang sa likod ng mga kalabaw para sa unang halimbawa niya ng mga salot sa lipunan at mga walang pakinabang.

Sa ikalawang saknong, ipinakita naman ang mga dekadenteng mga gansa na nagbibilad lamang at nakahilata. Karaniwang simbolo ang mga gansa ng kagandahan at elegansya ng kababaihan ngunit sa pagkakataong ito ay pinuna ni Almario ang ganito at ginamit na simbolo ang mga gansa sa pamumuhay nang marangya at pagiging banidosa. Ang yumi ng gansa ay naging isang negatibong katangian dahil humihilata lamang daw ito at nagpapa-araw. Marahil ay simbolo para sa mga taong masyadong marangya kung mamuhay at wala naman ginawa kundi umupo sa pansitan. Mapapansin na binanggit na nagbibilad ng kuto at muta ang mga gansa. Kahit na napakaelegante at rikit ng mga gansa, may baho pa rin sila at hindi pa rin sila perpekto. Tulad ng mga tao sa high society, kahit mukhang perpekto sa labas, may itinatago at itinatago itong mga baho. Marahil hindi sila makatarungan sa kanilang mga manggagawa, hindi dumadaan sa tamang proseso, hindi sumusunod sa mga batas at kung anu-ano pang baho. Na akala mo’y napakaganda, hindi naman pala.

Sa ikatlong saknong, ang ibong maryakapra naman ang pinagdiskitahan ni Almario. Isang ibong umaawit ang maryakapra pero isa rin itong talinghagang nangangahulugan na “isang babaeng masagwa manamit o baduy”. Gumamit ng pagwawangki o simile upang ihalintulad ang mga maryakapra sa mga binibining umiikot ang puwit. Sinabi din dito na ang mga maryakaprang umaawit-awit ay nasa isang bulwagang masalapi’t puno ng mga makikisig. Mahihinuha na malamang sa mga babaeng bayaran o puta ang sinisimbolo ng mga maryakapra. Umaawit-awit daw ang mga ito at nagpapaikot-ikot ng puwit upang aliwin ang mga lalaki sa bulwagan na maraming pera at makikisig na tulad din ng ibon na maryakapra na nakakawili ang paghuni. Ito ang kanilang trabaho at dito sila kumukuha ng pera. Di tulad ng mga naunang saknong na ang hayop mismo ang parte ng high society, dito ay naiiba. Ang mga makikisig na masalapi ang parte ng high society at ang mga maryakapra naman ang mga taong kumakapit sa patalim para lang may makain sa araw-araw. Kung susundan ang kahulugan ng maryakapra bilang isang babaeng masagawa manamit o baduy, marahil ay may partikular na ipinapahiwatig ang makata. Kadalasan ay sinasabing baduy manamit ang mga promdi o prom-di-province. Sa ganitong paghihimay-himay, masasabi rin na ang mga probinsyano at mga probinsyana ang madalas nabibiktima ng prostitusyon at napagsasamantalahan ng mga nag-uumapaw sa pera. Dito ay kitang-kita ang bertikalisasyon ng lugar sa lipunan. Ang mga nakatataas ay kayang tapak-tapakan o gamitin ang mga nasa ibaba sapagkat mayroon lamang silang pera.

Sa ika-apat na saknong, mga burukratang unggoy naman sa tuktok ng mala-palasyong kahoy ang idinagdag ni Almario sa ating zoo. Ang unggoy ay sinasabing gahaman, mayabang at mapanlinlang. Burukratang unggoy – ipinapahiwatig ng makata na ang mga burukrata, ang ating mga pinuno ay mga gahaman, mayayabang at mapanlinlang. Ang tuktok ng mala-palasyong kahoy ay maaaring tumukoy sa mismong mala-palasyong opisina ng ating mga pulitiko. Ang mga unggoy ay mahilig umakyat ng matataas na puno, tulad din ng mga burukratang wiling-wili sa itaas ng kanilang mga opisina, sa kanilang posisyon. Pulu-pulutong daw kung magpulong ang mga unggoy at nag-uusap kung paano mas lalapad ang papel at tumbong. Buti sana kung ang pagpupulong ng mga pulitikong ito ay para sa pagtulong sa bayan para sa ikauunlad nito. Ngunit hindi. Sama-sama pa daw nagpaplano ang mga ito kung paano palalaparin ang papel at tumbong. Ibig sabihin ay nagsasama-sama pa ang mga burukratang ito sa pagpaplano kung paano makakakuha ng pogi points  sa mga nasasakupan nito. Marahil ay pagpapaayos ng mga kalsada kapag mag-eeleksyon na, pagpapagawa ng waiting shed kapag malapit na ang eleksyon, pagpapagawa ng mga basketball court  kapag nalalapit na ang eleksyon, tuwing malalapit lang ang eleksyon! Gagawin ang lahat para magmukhang mabuti at kagalang-galang at may ginagawa sa mga tao kahit wala naman, para lang maiboto silang muli at makapagkamal pa ng pera mula sa kaban ng bayan at makapagpalapad ng tumbong. Nanlalansi lamang ang mga ito tulad ng tusong matsing na iisahan ka lamang at hindi nakokontento.

Sa susunod na saknong, ang mga naghahari at matitikas na oso at agila naman ang naidagdag sa ating zoo. Sa umaga daw ay nagkikikil lamang ng kuko’t pangil para isakmal sa karne’t isuob sa barya kaya tiyan at bulsa ay tumatambok. Pinapatamaan naman dito ang mga nagnanakaw sa kaban ng bayan. Walang ginagawa at naghahanda lamang at sa kalaunan ay magnanakaw. Tulad ng mga oso at agila, bigla na lamang silang aatake nang hindi nalalaman ng biktima. Tulad sila ng mga walang hiyang mga kurakot na biglang aatake at kukunin ang nararapat na sa sambayanan. Naghahari sila at matitikas, mga pulitiko, ngunit wala silang ginagawa kundi magpatambok ng bulsa – pagnanakaw ng perang nakalaan para sa kanyang mga kababayan.

Susunod ang matatalinong kuwagong naghihilik. Ang mga kuwago ay karaniwang nakaugnay sa talino at madalas ay mabuti sa mga kwento. Ngunit dito, pati ang kuwago ay napasama sa problema ng lipunan. Kahit na kuwago siya ay naghihilik ito, ibig sabihin ay tulog. Malalaki daw ang mata ngunit lagi namang nakapikit na marahil ay bagong paraiso lamang ang panaginip. Kung susundan ang lohika ng saknong na ito, mawawari na tumutukoy ito sa mga matatalinong nakapag-aral ngunit wala namang interes sa pag-unlad ng Pilipinas. Mga biniyayaan ngunit apatetiko at mapagwalang bahala sa hinaharap ng bansa. Sabi pa ay bagong paraiso ang laman ng panaginip. Sa ganito, tinutukoy marahil ang mga propesyunal na nangingibang-bansa para kumita nang mas malaki. Isang malaking problema ito ng Pilipinas dahil nauubos ang mga may pinag-aralan sa bansa natin at bagkus ay nagsisipagliparan sa iba’t ibang bansa upang magtrabaho. Laganap talaga ang brain drain kaya imbis na sa Pilipinas naiaalay ang napag-aralan para sa pag-unlad nito, sa ibang bansa pa natin ibinibigay an gating serbisyo at tinutulungan pa natin sila umunlad. Hindi sapat ang katalinuhan. Dapat bukas din ang ating mga mata upang makita natin ang mga problemang kinakaharap ng ating bayan. Dapat ay nagtutulungan tayo upang sabay-sabay tayong makaahon at maging paraiso din ang Pilipinas.

Sa ikalawang saknong mula sa dulo, buwayang laging abala naman ang isinama sa high zoociety. Lagi pa ring nakanganga ang buwaya kahit bundat na, pagpapakita ng pagiging bakaw at gahaman nito. Busog na ay naghihintay pa rin kahit ng maliit na butiking mabibiktima. Kay liit na nga ng butiki ay papatulan pa rin nito at kakainin kahit busog na. Ganyan kabakaw ang buwaya. Sa ating bansa, nakakabit na ang salitang buwaya sa mga pulis. Pati mga maliliit na motorista ay hindi papalampasin. Walang makakalagpas sa paghingi niya ng lagay o kotong. Marami na ngang nakuhang pera, kukuha pa rin nang kukuha, hindi tumitigil, malaki man o maliit. Hindi lang sa mga pulis. Kahit mga pulitiko na nagpapasuhol ay mga buwaya rin. Mga sakim na taong kailangan nasa kanila ang lahat – sila ang mga buwaya.

Sa huling saknong, na kadalasang nagdadala ng mensahe ng manunula, ang hunyango at ahas ang tinalakay. Nagkalat daw ang mga ito sa damuhan kung kaya naman hindi mo alam ay baka nariyan na. Baka naglalakad ka sa damuhan pero hindi mo mapapansin na may mga hunyango at ahas. Sila ang mga taong hindi mo alam kung mabuti ba o masama. Tuwing maghuhunos ng kulay at balat, mahirap isipin kung ano ba talaga ang pakay. Sa mga taong ito daw dapat higit na mag-ingat, ayon kay Almario. Dahil hindi mo na lang alam, kakagatin ka na pala nila. Sila ang pinakadelikado dahil hindi mo alam na masama sila. Baka sa labas ay mabuti sila pero may nakatago silang adhikain na lalabas lamang kapag nagpalit na sila ng kulay o balat. At dahil kakalat-kalat lamang sila kung saan, mahirap silang mahanap kung kaya dapat mag-ingat. Totoo nga naman, mainam na alam mo kung ano ang nandoon at maaaring umatake sa iyo nang makapaghanda ka kaysa aatakihin ka sa oras na hindi mo inaasahan. Sabi nga nila, nakakatakot ang hindi mo alam. Iyan ang hunyango at ahas, ang pinakanakakatakot sa high zoociety.

            Ang persona ay isang taong nakakasaksi sa mga salot na ito na lipunan na gusto imulat ang mga mata ng ibang tao tungkol dito. Hindi tahasang nangaral ang tula ngunit nagbababala ito na mag-ingat sa mga hayop na ito na nasa katawan ng mga taong iniluklok natin sa pwesto o kaya’y namamahala sa atin. Maaaring ang makata ang persona pero kahit sino naman ito na may galit sa mga nabanggit na mga pangyayari. Sa dulo ay parang nagbabanta ang tono ng tula, para bang may darating na delubyo at inihahanda na niya ang mambabasa.

            Para sa akin, mahusay ang tula. Bakit ko naman ito pipiliin kung hindi, ‘di ba? Kitang-kita ang imahe nito sa bawat saknong at sa kabuuuan. Sa pagbabasa pa lamang nito ay nakaramdam na ako ng galit para sa mga taong-hayop na tinukoy at inilarawan. Kung kaya’t masasabi ko na makabuluhan ang tula dahil ako mismo ay naitulak nito na mainis at magalit at lumaban sa mga hayop na ito. Naabot ng tula ang aking diwang makabayan at dugong matapang at napaisip kung paano pa kaya nakakatulog ang mga taong iyan. Paano nakakayanan ng kaluluwa nila? Hindi ko talaga lubos maisip kung paano nakakapagnakaw ang mga pulitiko ng limpak-limpak na salapi samantalang napakaraming batang hindi nakakakain araw-araw. Hindi ko man masisi ang mga babaeng bayaran sa kanilang ginagawa at ang mga OFW na naghahangad lamang ng masaganang buhay para sa kanilang mga pamilya, sana ay dumating ang panahon na hindi na natin poproblemahin ang mga ito. Bilang isang iskolar simula noong hayskul, nakaukit na sa utak at puso ko na serbisyo sa ating bansa ang tanging paraan upang makapagbayad ako sa mga kababayang nagpapaaral sa akin. Kaya kung ako ang tatanungin, tunay na mahusay ang tula sapagkat kahit naisulat noong dekada sitenta, akma pa rin ang mensahe nito para sa makabagong panahon. Tunay na naiparating ni Virgilio Almario ang kanyang mensahe sa mga mambabasa noon hanggang sa mga mambabasa ngayon at sana pati sa mga mambabasa sa hinaharap.

3 Comments »

Edgar Allan Guzman <3

Pagbigyan niyo na ako. Minsan ko lang naman ilabas ang aking inner jologs. Haha!

Si Cel kasi, ni-link pa ako dito. Sa totoo lang, imbyernadette sembrano talaga ako sa kanta na ito dati pa. Hindi ko naman alam na kasama pala si Edgar Allan Guzman sa kumanta. Siguro kung alam ko, nagustuhan ko yung kanta. Haha! Ganun kalala yung crush ko sa kanya kasi papalampasin ko na ata kahit ano. Haha! Pero dahil si Edgar Allan Guzman yung nasa music video, ano bang laban ko? Heehee. Nanalo siya sa Mr. Pogi sa Eat Bulaga noong 2006 at talagang crush ko na siya noon pa man. Ilang taon lang ako nun, 12 o 13 lang. Grabe talaga. Galing pa niya sumayaw!

Bakit ba kasi kami nasa isang Edgar Allan Guzman phase  ngayon? Kanonood lang kasi namin ng Ligo na U, Lapit na Me nung Biyernes kaya naman siya ang crush in recent memory. Hay nako, nakita ko pa siya ng personal. <3

Anyway, ayoko na masyado pa magsalita kasi baka masyado na ma-obvious na crush na crush ko talaga siya. Haha! Gusto ko iyong boses ni Edgar (lahat naman gusto ko) kaso epal yung isa, nakakainis, di ko gusto. Maganda nga boses nya eh and can I just say na gusto ko ang pagkakatone nya. Di masyadong muscular, tama lang. Heehee. :> Di ko kasalanan kasi naman topless sya sa music video pati sa ilang eksena (read: marami) sa Ligo na U, Lapit na Me. Anyway, Edgar Allan Guzman, congrats nga pala sa pagkapanalo ng Best Actor sa Cinemalaya 2011! Sobrang proud talaga ako! <3

2 Comments »

Napagawi Ako sa Mababang Paaralan

Napagawi Ako sa Mababang Paaralan

ni Lamberto E. Antonio

 

Napagawi ako sa mababang paaralan

Na dating karnabal ng kambing, baboy at kalabaw,

At dating kubeta ng ilang kababaryo

Pag bakasyon grande o Sabado’t Linggo.

Di na ito ang ilang tiwangwag na kuwartong may tapal

Na sawali’t atip na kugong butas-butas, na ang klaseng

Nagdidiskas ng Pepe en Pilar at gudmaners

Ay tanaw na tanaw ng mga sabungerong naglalakad.

Ngayon, may arko nang bakal at alambre ang geyt;

May bakod na pader, magarang plagpol, entablado’t

Basketbolkort na kinauukitan ng nagdudumilat na

“Donated by Gov. Mokong delos Oros” at ng

“Alay nina Don at Doña Pilipito Palpatok.”

Sa sementadong saydwok, sa pasimano’t haligi ng munting pasilyo

At ibabang panig ng kongkretong dingding, kundi nakapila

Ay nagsisiksikan ang mga pangalang karamiha’y

Patrong taga-ibang bayan: ilan dito’y mga nakaklaseng

Kabisote, mapangopya, tugain, nakalasprend o naiihi

Sa salawal sa pagkuha ng test—

Kundi may DR. o ENGR., may ATTY.

Bawat pinto, may karatula ng ngalan ng guro—

Narito pa rin si Mrs. Monay na mahilig manghinuli,

Si Mr. Pangan na laging ngumangata ng babolgam.

Sa likod ng gusali, ang marikotitos na letering

Ng pagdiskarte sa babae’y nabasa ko sa haligi ng wari’y

Narseri; sa mga puno ng papayang bunga ay tambulukan;

Sa tambak ng retasong mga tablang may bakas ng anay.

Komo nabakante ako sa pandadayuhan bilang karpintero,

Naawitan akong gumawi sa mababang paaralang

Nagpautang sa akin noon ng musmos na karanasan;

Kasama ang aking martilyo, lagari’t radela’y nagpaunlak ako:

Wika nga’y ito lang ang kaya kong paraan ng paglingon

Sa pinanggalingan (na di ko napuspos nang mahinto ako’t

Maulila sa mga magulang). Gumawi ako

Rito para atipan at palitadahan ang mga komportrum,

Dahil nakabingit na naman ang pasukan—at para maiyukit ko,

Kahit papa’no, ang aking pangalan.

 

(mula sa Hagkis ng Talahib; inilathala ng Aklat Peskador, 1980)

22 Comments »

Sa Kainang Ito

Sa Kainang Ito

ni churlaloo

 

Limang taon lamang ako

Noong una akong nakatapak

Sa kainang ito.

Kasama si Itay.

Kasi ang kainang ito ay katabi

Ng opisina ni Itay.

 

Simula’t sapul

Ninais ko

Na laging sumama kay Itay.

Tuwing wala akong pasok

Pinipilit ko siya na isama ako

Sa kanyang trabaho

Para makakain

Sa kainang ito.

 

Hinahatid pa nga ako

Ng mga gwardya ng opisina ni Itay

Sa kainang ito.

Baka daw kasi masagasaan ako.

 

Ngayon

Siyam na taon pagkatapos

Noong una kong pagtapak

Sa kainang ito.

Kumakain ako

Nalulungkot

‘Pagkat ito na marahil

Ang huli kong pagkain

Sa kainang ito

‘Pagkat kinabukasan

Si Itay

Ay lilipat na ng opisina.

 

Sa kanyang bagong opisina

Mayroon ding mga kainan

Ngunit wala ni isa sa mga kainan doon

Ang katulad ng kainang ito

Wala ni isa ang nakasaksi sa paglaki ko

Maliban lamang

Sa kainang ito.

 

Leave a comment »

Follow

Get every new post delivered to your Inbox.